Kabanata 1 - Ang Natatanging Simula
Sa isang liblib na baryong tinatawag na Mabayuhan, sa dulo ng Sta. Rita, ay may limang natatanging bakla. Ito ang kanilang kuwento ... ang panahong nagbago sa kanilang mga buhay ...
Habang nasa tanggapan ng ospital na pagmamay-ari ng kanyang mga magulang, malumanay na naghihintay si ART habang nakikinig ng "'Emotions" ni Mariah Carrey sa kanyang itim na iPod Nano. Nagulat nalamang siya nang may kumalabit sa kanya at may binulong na hindi niya gaanong naulinigan sapagkat sadyang abala siya sa paglalakbay-diwa na suot niya ang pulang gayak ni Julia Roberts sa Pretty Woman habang umaawit sa entabladong ganap sa maharot na pag-kutitap ng samu't-saring kulay ng mga ilaw. Mabilis niyang tinanggal ang earplugs sa kanyang taenga.
"Sino yan?".
Walang sumagot.
"Sino yan sinabi e! Hindi ka nakakatawa ha!".
Wala paring sumagot.
Naramdaman nalamang niya na may papel na nakapatong sa kanyang kandungan. Matapos ng ilang saglit, napagtanto niya na mayroong naka-tatak sa papel sa pamamagitan ng Brail.
Hinubad niya ang kanyang shades ...
naglabas ng panyo ...
nagpunas ng luha.
Pitong taon na ang nakalipas nang siya ay nabulag, ngunit sa unang pagkakataon ay naisip niya na mas mapalad pa pala siya kung ihahambing sa iba.
-----
Malamig ang gabing ito. Kahit na maraming tao sa Memorial Park sa dulo ng Tabacuhan ay tumatagos parin sa kalamnan ang lamig ng simoy ng hangin.
MELCH: "Ang taray ng timing ng pagka-shigok ni veykla dibinx? Tinapat pa ang coffee party n'ya sa Pista ng mga shutay arabesque!" (Ang galing ng panahon ng pagkamatay ni bakla hindi ba? Tinapat pa sa pista ng mga patay!)
JESSIE: "Bakla ka! In all fairness super friendship mo 'yang si AYIE. Parang witchels mo s'ya naging runner-up sa Ms. Gay Mabayuhan 1997! Pano nga pala natin ma-sight kung s'an ang cofee experience na give-love ni becky?" (Bakla ka! Sa katotohanan lamang ay matalik mong kaibigan si AYIE. Parang hindi mo siya naging runner-up sa Bb. Baklang Mabayuhan 1997! Papaano nga pala natin mahahanap kung saan ang lamay niya?)
May sinenyas si KIRK sa kanyang mga kamay.
JESSIE: "Anik daw ang churvaline?" (Ano daw?)
MELCH: "Sabi n'ya joint ng joint kung saan paatak ang ibang folklore. At nag text daw sina ART at KAYCEE na na'nduon na sila." (Sabi niya ay sundan daw natin kung saan patungo ang mga bakla. Nagpadala rin daw sina Art at Kaycee nang mensahe sa pamamagitan ng cellular phone na naruruon na sila.)
Matapos ng tig-dalawang supot ng palamig, tig-isang stick ng squid balls, tatlong kilometro ng paglakad ng paikut-ikot at apat na baklang naka mini-skirt na sumusunod sa apat na gwapong kalalakihan ay natagpuan nila ang kanilang hinahanap.
Madaling malaman na ito ang lamay ng kanilang kaibigan. Maliban sa ito lamang ang lunan sa buong libingan na nagpapatugtog ng "Ketchup Song" ng Tomatoe Girls, ay ito lamang din ang lugar na masaya ang klima. Dito rin pumasok ang apat na baklang kanilang sinusundan. Sa harapan nito ay may mga banderitas ng Globe, Sam's Pizza, Aling Ningning's Kitchenette, First Quadrant, Efren's Benevolent Aesthetic Companies, Pampanga's Best, Avon Cosmetics at ng Natasha.
Pagpasok sa loob ng musileyo, agad silang sinalubong ni ART, KAYCEE at ng nakakasulasok na amoy ng Vctoria's Secret Garden - Love Spell.
JESSIE: Ano na tayo dyan mga veyks? (Kumusta na?)
KAYCEE: Ha? (Ano?)
JESSIE: "SABI KO ANO NA TAYO DYAN?" (Ang sabi ko, kumusta na kayo?")
KAYCEE: Wag kang sumigaw! Karibelles lang kamoti. 2 minutes pa, 48 years na kaming officially nandito! Embudo kayo! (Huwag kang sumigaw! Mabuti naman kami. Ang tagal na naming nandirito. Nakakainis kayo.)
ART: Buti nakarating kayo. (Mabuti na lamang at nakarating kayo.)
MELCH: Buti naman at buhay pa pala kayo. (Mabuti naman at buhay pa pala kayo.)
ART: Naging bisi lang kasi lately in life. (Naging abala lamang kasi ako kamakailan.)
MELCH: Oo nga e, bisi ka sa jowa mo kaya wa ka eksena sa'min. At ikaw lang ang gumamit ng salitang "lately" to mean 6 years! (Oo nga, naging abala ka sa kasintahan mo kaya hindi ka nakakasama sa amin. At ikaw lang ang gumamit ng salitang "kamakailan" upang saklawin ang 6 na taon!)
KAYCEE: Anik dawchie? (Ano raw?)
JESSIE: WALA! NAG HE-HELLO LANG SILA SA ISA'T-ISA! ATAK NA TAYO SA LOOB! TOMI-TEGI NA AKEMBANG! (Wala! Nag kukumustahan lamang sila. Pumasok na tayo sa loob, mamamatay na ako sa gutom!)
KAYCEE: Wag kang sumigaw! (Huwag ka sumigaw!)
ART: Jessie, kelan ka pa nga pala nakabalik ng Pinas? (Jessie, kelan ka pa nga pala nakabalik ng Pilipinas?)
JESSIE: Mag 3 weeks in the making na. In all fairness ang jirap mong junapin ha! (Mag tatalong linggo na. Sa katotohanan lamang ang hirap mo hagilapin.)
MELCH: Majirap junapin ang yawgey magpa-sighteous! (Mahirap hanapin ang ayaw magpakita.)
Biglang tumahimik ang lahat sa sandaling ito. Tatlo ang kadahilanan. Una, lantarang inilabas upang libakin ni MELCH ang kapansanan ni ART. Pangalawa, alam ng lahat na umiiwas na si ART makipag dahupang-palad sa kanila ngunit ngayuon lamang may naglakas-loob magsabi nito sa harapan ng madla. At ang ikatlo ay ang pagsenyas ni KIRK na tumingin silang lahat tungo sa pintuan ng museleo...
ALING NINGNING: Mga bakla! Nandito pala kayo! Pasok na kayo sa loob. Magsisimula na ang programme! (Mga bakla! naririto pala kayo! Halina kayo sa luob. Magsisimula na ang mga handog-pang-aliw!)
MELCH: Taray! May programme talga? Sana ako na ginetchus n'yo mag direk para happier! (Ang galing! May palabas pang-entablado pa talaga? Sana ay ako nalamang ang kinuha ninyong magdirihe upang mas maging kagalak-galak!)
ALING NINGNING: Eto namang si Melch, napaka okray talaga! May nakahanda ba kayong production number? (Lubhang napaka mapag-biro talaga nitong si MELCH! May nakahanda ba kayong pang-entabladong handog?)
MELCH: May nakahanda ka bang yelo? (Mayroon ka bang nakahandang yelo?)
ALING NINGNING: Bakit gagamitin n'yo sa production number? Kukunan ko kayo! (Bakit? Gagamitin ba n'yo sa pang-entablado n'yong handog? Kukuhanan ko kayo!)
MELCH: Witchelles! Shoshorlanganin mo pagkakyopos kitang krompalin ng kyorbaong ni AYIE! (Hindi! Kakailanganin mo matapos kitang sampalin ng kabaong ni AYIE.)
KAYCEE: Anik daw dawchie? (Ano raw?)
JESSIE: KORSOK NA DAW TAYOTI! (Pumasok na raw tayo!)
KAYCEE: Wag kang sumigaw! (Huwag ka sumigaw!)
-----
Ang masigabong palakpakan ang kanilang naabutan sapagkat kakatapos lamang kumanta at sumyaw sa saliw ng tugtugin ng "If You Wanna Be My Lover" ng Spice Girls ang apat na baklang naka mini-skirt na kanilang sinundan patungo sa lamay ni AYIE.
JESSIE habang pumapalakpak: Ang taray! Imagine more perform sila kahit kakakyopos humarbs! (Ang galing! Akalain mong nakayanan pa nila magbigay handog pang-aliw samantalang kakatapos pa lamang nila makipagtalik!)
ART: Pano mo naman nalaman yun? (Paano mo naman nalaman iyon?)
JESSIE: Kaya kasi kame na late e sila ang sinusundan namin papunta dito. Tapos may na book silang mga luluki kaya more intermission number kami ng squid balls while waiting for them to finish their thing sa dilema! (Kaya kami nahuli sa pagdating ay sapagkat sila ang aming sinundan patungo rito. May nakilala silang mga kalalakihan kaya kumain muna kami ng squid balls habang hinihintay silang gawin ang mga nais nila sa dilim.)
ART: Sa sementeryo talaga? (Sa libingan talaga?)
JESSIE: Ping ping kuping, kinuping kuping ng saging fresh from Vigan! (Tumpak!)
MELCH: Ang taray ng coffee party ni veyks ha! (Sadyang magaling ang lamay ni bakla.)
Nasabi ito ni Melch dahil tila lahat ng prominenteng tao ng Mabayuhan ay naruruon. Ang entablado ay nasa pinakaharapan. Dito rin nakapatong ang Light & Sounds system pati na rin ang kabaong kung saan nakahimlay si AYIE. Sa gilid ng entablado ay may isinabit na telon marahil upang magsilbing "green room" na gagamitin ng mga magbibigay handog. Sa kabilang gilid ay matatagpuan ang mahabang mesa na binalutang ng puti at pulang tela kung saan nakalagay ang magarbong pagka-ayos ng mga kakainin kasama ang isang iskultura ni Darna na yari sa yelo, at mga kulay rosas na lobo ng Aling Ningning's Kitchenette. Sa tapat ng entablado ay ang "presedential table" kung saan nakaupo sina Mayor V (Vanessa Patos), Congressman Nookie Ramba, Captain Domeng Su, at ang isang tao na nakaupo sa wheelchair na may kasamang alalay na nakagayak ng puti.
MELCH: Emebey! Iskerda na tayoti! (Sadyang nakakagalit. Halina't lisanin na natin ang lunan na ito!)
ART: Bakit nanaman? (Bakit nanaman?)
MELCH: Kasi PO, nandito si EFREN! (Kasi po, ay naririto si EFREN.)
ART: E ano naman ngayun? Ang pinunta natin dito e si AYIE! (Ano naman ngayun kung naririto siya? Ang dahilan kung bakit tayo nagtungo rito ay si AYIE.)
MELCH: Pinapaalala ko lang sayo na dahil kay AYIE at sa hayup na EFREN na yan kaya tayo nagkaganitong lahat! Normal tayo dati! Sinira nila ang buhay natin! (Nais ko lamang ipa-alala sa iyo na dahil kina AYIE at EFREN ay nagkaganito tayo! Tayo ay hindi nai-iba rati. Sinira nila ang ating mga buhay!)
EFREN: Magandang gabi sa inyong lima. (Magandang gabi sa inyong lima.)
Nagulat nalamang silang lahat sapagkat hindi nila napunang papalapit sa kanila si EFREN at ang pribadong nars nitong si CARMELO.
EFREN: Kailangan n'yong pumuta bukas sa parlor ni AYIE. 5 pm. May meeting kayo with ATTY. FORTUNE tungkol sa Last Will & Testament ni AYIE. Magandang gabi. (Kinakailangan ninyong magtungo bukas sa parlor ni AYIE. Ika-5 ng hapon. Makikipag talakayan sa inyo si ATTY. FORTUNE ukol sa Huling Kahilingan at Testamento ni AYIE. Magandang gabi.)
Matapos sabihin ito ay itinulak na ni CARMELO ang wheelchair ng kanyang amo tungo sa "presidential table".
MELCH: Bitch! (Babaeng aso!)
JESSIE: Haggard pa rin lola mo no? Vegetable on the loose! Imagine, nakaka-paralyze pala ang lipo-suction! (Nakakaawa pa rin siya hindi ba? Akalain mo na nakakaparalisa pala ang pagtanggal ng taba sa pamamagitan ng karayum at vacuum!)
May sinenyas si KIRK.
MELCH: Ang weired daw ni EFREN. (Kakaiba daw na nilalang si EFREN.)
ART: Speaking of weired, pano n'yo nalaman na patay na si AYIE? (Habang pinag-uusapan ang kaka-iba, papaano ninyo nalaman na patay na si AYIE?)
May sinenyas si KIRK sa kanyang mga kamay.
MELCH: May nag-jiwan dawchi ng sulat sa gown shop niya. Sakin naman e inabot lang ng Stage Manager ko nung isang araw. (Mayroon daw nag-iwan ng sulat sa pagawaan niya ng gayak pangkasiyahan. Sa akin naman ay inabot nalamang ng aking tagapangasiwa ng entablado nuong isang araw.)
JESSIE: Humm, oo nga 'no? I get your point. Come to think of it, yung sakin e na sight ko nung binuksan ko yung isa kong luggage. Hindi ko nalang masyado pinansin dahil hinahanap ko yung pasalubong ko kay JERRY. (Humm mistulang tumpak ka diyan. Nakikita ko ang tinutuldok ng iyong sinabi. Ngayung naisip ko, natagpuan ko ang sa akin nang binuksan ko ang isa kong tampiping panlakbay. Hindi ko nalamang napuna sapagkat hinahanap ko ang aking pasalubong kay JERRY.)
MELCH kay JESSIE: Kay JERRY talga? Anes? Aatak ba tayoti jukas? (Kay JERRY talaga? Ano? Magtutungo ba tayo bukas?)
ART: Sige, punta tayo, pero I smell something fishy. (Sige, magtungo tayo ruon, ngunit may naamoy akong malansa.)
MELCH kay ART: Sinechi ang nagbebang na kajoint ka? (Sino ang nagsabing kasama ka?)
KAYCEE: Anong klaseng isda ang binibenta ni Mel? Sino si Mel? Cute ba yan? Saan tayo pupunta?? (Anong uri ng isda ang inilalako ni Mel? Sino si Mel? Gwapo ba iyan? Saan tayo tutungo?)
JESSIE: AY NAKO, EWAN! (Hindi ko alam!)
KAYCEE: Wag kang sumigaw! (Huwag ka sumigaw!)
At unti-unting nilamon ng tinig ni ALING NINGNING ang kanilang usapan habang siya ay kumakanta at sumasayaw sa saliw ng tugtuging "Kapag Tumibok Ang Puso". Patuloy ang paglaro ng maharot na pagkutitap ng mga ilaw sa entablado. Ngayun, hindi si ART ang pinagbibigay pugayan ng mga ilaw, kundi sina ALING NINGNING na punumpuno ng buhay, at ang kanilang kaibigan, si AYIE, na nasa luob ng kulay ginto at periwinkle na ataul, suot ang paborito niyang pulang gayak na bigay sa kanya ni ART na ihinulma sa suot ni Julia Roberts sa pelikulang Pretty Woman.
-=-=-=-=-=-
... Itutuloy ...
Sa Susunod na kabanata: Sino si Efren? Ano ang kinamatay ni AYIE? Ano ang ipapamana sa kanila ng namatay nilang kaibigan? Bakit andaming tanong? Makikita natin sa susunod na kabanata ang magiging headquarters ng mga MAAALINDOG NA MANDIRIGMA NG SHANARA!
Labels: Kabanata
← bumalik sa punong pahina